Di ka na talaga natuto. Kay tagal nang panahon nating magkaibigan hanggang ngayon gustong gusto mo pa rin talaga na sinasabihan kitang tanga ka. Paulit-ulit na lang. Di ka pa rin ba nagsasawa sa kakasabi kong tanga ka tuwing umiibig ka sa maling babae?
Parang kailan lang... Mga bata pa tayo nung sinabi mong ang mukha at katawang yan ay ginawa ng Diyos para sa mga babae. Mukha ngang ganun dahil kanailangan mong ipahiram yang katawan na yan para malaman mo lang na di kayo compatible sa isa't isa. Holding hands kunwari, pero walang spark? Wag ka sana magrely sa spark na yun para masabi mo na compatible kayo sa isa't isa.
Ano nangyari kay "the one" na sa sobrang pagmamahal mo sa kanya eh nagsawa ka rin kakasuyo sa kanya hanggang sa maabutan na lang kitang tulala sa bintana sa may hallway, parang namumugto mata mo dahil nalaman mong pinagpalit ka pala sa iba. Iniiyakan mo yang taong pinagkatiwalaan mo ng ilang buwan at malalaman mo lang na tin-two time ka lang pala. Laugh trip sana kasi nauubos pera mo dahil sa kanya. Allowance mo na sana nilagay mo na lang sa bangko eh di natuwa ka pa sana na nakikita yung outstanding balance mo. Buti nga sa 'yo. Kung hindi dahil sa kanya, di mo matututunan yung halaga ng pag-iipon.
Anong nangyari kay "tisay"? Pinagmamayabang mo pa na flawless ang kutis nya hanggang sa kili-kili nya. Tuwang tuwa ka na nakikita picture nya na parang modelo. Pinagmamalaki mo na kayo pero sa loob loob mo, di naman talaga sya mapapasa iyo kasi alam mong sabay-sabay kayong bino-boyfriend ni Tisay. Umaasa ka lang na ikaw yung huling iibigin nya. Palitan pa kayo ng text tungkol sa wagas na pag-ibig nyo sa isa't isa, pero napunta lang sa Deleted Messages dahil kahit ayaw mo mang aminin, niloloko ka lang talaga nya. Gandang parang modelo ni Tisay ano? Tanga ka lang para maghintay para sa kanya. Kung alam mo lang, sa dinami-dami ng manliligaw nya, pangit ka na, may mas pangit pa sa yo na mayayaman. Di mo ba naisip kung bakit di nya mapost yung picture nyo sa social website eh dahil di bagay yung mukha mo sa maliit nyang mukha? Sayang naman yung anim na buwan nyong MU (Malanding Ugnayan) sa isa't isa... Na kung sana ginugol mo na lang sa paghahanap ng mapagkakakitaang pera, natuwa ka pa. May pang-chicks ka pa.
Kumusta na yung nakilala mo sa text noong nakaraang taon? Textmates pa rin ba kayo? Ngayon lang kita nakitang magtext ng "mamatz poh" at "asan na u dito na me". Ikaw yung isa sa mga nakilala kong pinakamalupit sa grammar noong kabataan natin. San na napunta yung mga rules sa grammar na pinagmamalaki mo eh jejemon ka naman pala. Girlfriend mo kunwari sa text, pag nagkita naman kayo nahihiya ka kasi alam mong walang panama ang mukha mo sa taglay nyang mukha. Ang dami mong schedule sa kanya. Ni wala kang panahon para kay original mo. Ni text di mo magawa. Para sa yo, di naman seryoso yung ibang relasyon mo, kay original di pa rin ba seryoso? At magtetext ka rin sa akin na namimiss mo sya dahil may mga bagay syang naituro sa 'yo sa text? Tawa much na lang tayo.
Ito na yung panahon na kakausapin mo ako nang seryoso sa buhay mo. Kunwari di mo alam gagawin mo sa buhay mo dahil may isa kang pagkakamali na nagawa. Ang tagal mo na kay original. Dalawang taon na rin ang nakalipas nung nagdesisyon kayong magpakasal. Sa kanya lang kita nakitang ganito. Parang lungkot na lungkot ka na parang namatayan. Akala ko masaya ka na at tinali nyo na ang pagsasama. Hindi rin pala. Di ka pa rin ba nagsawa sa paghahanap ng kaligayahan sa iba? Akala ko magiging matino ka na matapos ang matinding breakup nyo ni original?
Iyak iyak. Yan ang di ko maintindihan sa mga lalake. Bakit kayo iiyak kung alam nyo namang di na babalik sa inyo yung babaeng "the one who got away"? Akala ko ok ka na kay original. Bakit ka pa iiyak? Di ka pa ba nakuntento noong magkakaibigan tayo eh masaya ka na nakasama mo yung iba't ibang magagandang babae at samantalang si original eh nagtataka kung nasan ka? Di mo ba naisip na umiiyak lagi yun tuwing di mo sya pinapansin at pinapabayaan mo na lang dahil alam mong di ka magkakaproblema sa kanya? Sa sobrang confident mo sa kanya na di ka nya iiwan, di mo sya gaanong pinahalagahan. Ngayong kasal na kayo, iiyak iyak ka! Tanga! Isa kang malaking tanga!
Ano pa ba ang gusto mo mangyari sa buhay mo? Hiwalayan ba ulit? Akala ko nagsawa ka na sa mga ka-fling mo at mga ex no. Pero bakit ngayon di mo maayos ang sarili mo. Akala ko di ka iiwan?
Ah. Nag-abroad si original? Pero kasal na kayo ah. Ano pa inaalala mo?
Ah... Dumating na ang dagok sa buhay mo? Sinundan mo sya doon para lang malaman na may boyfriend syang iba?
Tawa lang ako... Mukhang nahanap mo na ang katapat mo. Masakit mang isipin, pinagpalit ka na ata ni original sa isang mas disente at mas matinong lalake. Sa ilang taon nyong pagsasama, nagsawa na rin siguro sya sa pagbalewala mo sa nararamdaman nya. Boyfriend habang may asawa? Di ba ikaw nagpauso nun? Habang kasal kayo may girlfriend ka naman. Wag mo akong iiyakan para sabihin na pinagpalit ka ni original. Eh katangan yung ginawa mo noon eh.
Ngayong naghahain na ng mga kasulatan sa paghihiwalayan nyong dalawa, iiyak iyak ka. Pwede ba kitang batukan? Akala mo kasi sa lahat ng mga kalokohang ginawa mo, mananatiling loyal si original para sa yo. Akala mo magiging maligaya ka dahil sa lahat ng mga kalokohan mo, mapapatawad ka nya. Saklap no?
Ngayon di ka makatulog. Proud na proud ka kay original dahil sabi mo sya na yung last. Oo nga sya na yung last. Sya nga yung pinakasalan mo di ba? Sya din yung bubuwag sa idea mo ng matinong babae. Kung nagbigay ka sana ng atensyon mo at buong pagmamahal sa kanya, di ka na sana nagkakaganyan. Nagkataon lang na may nahanap syang lalake o di kaya ay may dumating sa buhay nya na makapagbibigay ng mga pangangailangan nya mula sa yo.
Ang pagsisisi naman wala talaga sa simula. Alangan namang magsisi ka habang nag-eenjoy sa piling ng iba. Mahilig ka pa sa katagang "Di rin naman nya malalaman". Kung sana naging loyal ka sa kanya di ka magkakaganito. Siguro kung may ESP ka malamang naiwasan mo lahat nito.
Kung naalala mo sya sa mga panahong kailangan syang kiligin sana ginawa mo. Yung mga dati nyong kinagawiang gawin, sana ginawa nyo. Kung nagpadala ka lagi ng mga sulat sa kanya at kahit bulaklak ng sampagita para iparamdam na pinapahalagahan mo sya, sana kayo pa. Kung iniwasan mo sanang makipagkilala sa mga babae na nakilala mo sa kung saan saan at kumuha ng mga numbers nila, sana may original ka pa ngayon. Kung kinantahan mo sana sya ng love song kahit garalgal ang boses mo, kayo pa rin hanggang ngayon. Kung isa lang sana ang babaeng binigyan mo ng pansin, sana di ka umiiyak ngayon. Ewan ko ba kayong mga lalake, wired ata talaga kayo para maging polygamous. Challenge ata sa inyo ang maging monogamous ah. Pero kung talagang sa iisa lang kayo magmamahal, di magiging challenge sa inyo yun.
Ngayong malapit ka na ulit magbagong buhay, sana di ka na ulit magta-tanga-tangahan. Natuto ka na siguro sa mga nakaraan mo. Malapit ka na ulit maging malaya. Wag kang tanga. Wag ka ring bobo. May utak ka. Gamitin mo na.
Wag ka mag-alala. Di rin naman tayo nagkakalayo sa rangko ng katangahan sa buhay.
Di ka nag-iisa. Minsan naging tanga din ako...